PAGPUPUGAY SA WATAWAT


Ang watawat na naladlad sa inyong harapan ay siyang watawat ng ating bansa, ang Pilipinas.
Kumakatawan ito sa isang bayang nagkaka-isa, na sa bawat himaymay, ay may angkop na hugis ng kabuoan; isang pangheograpikong sakop ng mga lupain na walang kabawasan: Isang Republika, demokratiko, Malaya at nagsasarili.
Ito'y siyang sagisag ng pambansang kalayaan, na nagsasalarawan ng
lahat ng kaakit-akit at dinadakila sa buhay ng Pilipino. Hinubog ng
matipunong kamay ng panahon, binigyang buhay ng isang mapagmahal sa
kalayaang mga mamamayan at inakay ng mapagpalang diwa sa luklukan ng
mga bansa.

Naging pamalagiang palatandaan ito ng ating mga pagmamana at nabubuhay na sagisag ng ating mga karapatan ng tayo ay isilang.

Ang kaluluwa nito'y mabubuhay hanggang sa wakas ng panahon at ang kanyang matatayog na mga adhika ay matatapos lamang kapag ang mga bansa at mga lahi ay magmaliw ng ganap.

Ang araw ay nangangahulugan ng kawalang-hanggang buhay ng ating bansa at sagisag ng palagiang liwanag na pumapatnubay sa kapalaran ng ating lahi. Ang walong silahis ay kumakatawan sa unang mga lalawigang nagkasama-sama.

Tinutukoy ng tatlong mga bituin ang tatlong malalaking mga pook. Luzon, Visayas at Mindanao, na inihandog sa atin ng kalikasan ayon sa kalooban ng Poong Maykapal.

Ang puting tatsulok ay nagsasaad sa ating mapayapa at magiliw na mga hangarin gayundin ng katapatan at kawagasan ng ating mga gawain, ng tatlong mga simulain ng Masonerya, ang pagmamahal-kapatid, pagsaklolo at katotohanan, at ng mga banal na panuntunan ng pananalig, pag-asa't pag-ibig.

Ang bughaw na kalawakan ay nagpapakilala ng ating pag-ibig sa Inang Bayan, at ang matayog na panuntunan at hangarin. At ang malapad na habing pula ay nagpapahayag ng ating walang humpay na kakayahan na nagpapanatili sa atin ng isang bahagi sa kalawakan ng kalangitan.

Sa Kabuoan. Ang tatsulok, ang araw at ang tatlong mga bituin na bumubuo ng ating watawat ay maliwanag na mga sagisag ng pagkakapatiran ng tao sa ilalim ng pagiging Ama ng Diyos.

Tulad ng pinangarap ng ating mga ninuno, nawa'y pumailanlang ito sa ibabaw ng lupain ng maliligayang mga mamamayan sa panghabang panahon.

Hayun, ang ating watawat, wumawagayway, isang sagisag ng pambihirang ganda at makabayang kahulugan; ang palagiang ulirang-pananglaw ng ating mga mamamayan sa isang mapayapa, nagsasarili at malayang pamumuhay.

Magpugay kayo dito, sapagkat ito ang kabuoang ganap ng kaligayahan ng ating mga ninuno sa panahon ng mga siglong nagdaan.

Hagkan ninyo ito, sapagkat ito ang watawat ng magigiting na mga anak ng ating sina Raha Soliman at Maria Clara.

Dam'hin ninyo ito sa inyong dibdib sapagkat ito ang banal na watawat ng minumutya nating Pilipinas.

Ingatan ninyo ito sa inyong mga puso, sapagkat ito ang palatandaan ng ating mga kapatid na nagbuwis ng buhay sa kapakanan ng ating bayan.

Mahalin ninyo ito, sapagkat ito ang walang kasinghalagang ala-ala ng ating bayan na mananatili magpakailanman sa lahat ng magiging katayuan natin sa buhay.

Igalang ninyo ito nang lubusan, sapagkat ito ang nabubuhay na katauhan ng diwa ng lupang ating sinilangan.

Pintuhiin ninyo ito, sapagkat ito ang banal na tibabal na siyang pinantakip sa duguan at luray-luray na katawan ng ating mga kawal na nangamatay.

Magpala at ialay ito sa Maykapal, sapagkat ito ang bunga ng mga pagpapakasakit ng ating mga bayaning namamayapa na.

At magtiwala sa makapangyarihang Diyos at sa makataong katarungan upang ito ay mapamalaging sa inyo, sa inyong mga anak, at iaanak pa ng inyong mga anak; luwalhatiin at lalong higit na pagpalain, nang ang mga namatay sa kapakanan nito, sana'y di nangamatay nang walang kabuluhan.

0 Read more......:

PHOTOS